Saturday, February 28, 2009

ZECRET?


LIHIM
tigierz /2001/


Minsang kita'y masilayan, alam mo ba sinta?
Puso ko'y napukaw, napuno ng ligaya.
Napunan mo ng kulay ang buo kong daigdig,
Marahil ito na yata ang una kong pag - ibig.

Sa araw-araw nais kitang masilayan,
Dahil para sa akin, ikaw ang kaligayahan.
Sana pag-ibig ko'y huwag mong mapansin,
Lalo na sa aking mga nakaw na tingin.

Kahit sa pagtulog, ikaw pa rin sa 'king isip,
Inaasam ko makita ka sa panaginip.
Kung 'di man mangyari, gabi ko'y anong inip,
Kaya't nais ko sa umaga'y agad kang masilip.

Tunay anong saya kung ikaw'y makausap,
At ang pakiwari ko, ako'y nasa ulap.
Tila walang problema akong nalalasap,
Sa sandaling ikaw ay akin nang kaharap.

Sana'y 'di na matapos ang tuwa sa damdamin,
Dahil ang tulad nito'y kay hirap nang hanapin.
At kung sakali mang ito'y isang patikim,
Unang pag-ibig ko'y mananatiling lihim...

No comments: